Panimula: Hindi ako naging estudyante ni Ginoong Xiao. Naging kaibigan ko lang siya dahil sa mga panahon at pagkakataong nakatambay ako sa may Bulwagang Rizal o sa ika-apat na palapag ng Bulwagang Palma. At sa kaunting panahon ng aming pagkakakilala, aking natanto ang kanyang libog sa pagtuturo, at ang kanyang libog para sa Pilipinas. Kaya isa ako sa mga taong naniniwala sa kanya, at nakiki-isa sa paghahanap ng katotohanan.
Kakaiba lang talaga ang balitang bumulaga sa akin ngayong hapon sa isang mensahe sa aking selepono at sa mga ilang sulating nabasa ko rito sa internet.
Hindi raw pinayagang magturo muli si Ginoong Xiao Chua sa Unibersidad ng Pilipinas.
Nalabuan ako nang marinig ko ang balitang ito. Hindi ko na-gets kung bakit hindi nila siya pinayagang magturo muli.
At karamihan ng mga estudyante at kaibigan niya ay nagsisigawang sabay-sabay, hinahanap ang katotohanan. Isang malaking “BAKIT?!” ang naka-ukit sa mga noo ng bawat isang nakasalamuha ni Ginoong Xiao sa mahigit na tatlong taon ng kanyang pagtuturo sa unibersidad.
Ako’y nakikiisa sa mga nagtataka, sa mga nagtatanong, at sa mga naghahanap ng katotohanan.
Sabihin na ninyo ang totoo. Bakit? Bakit hindi niyo na siya ipagtuturo muli?
Walang mananahimik sa amin hangga’t wala sa inyong nagsasalita’t nagsasabi ng katotohanan.

