“Wow, I feel so cultural today!”
Tumungo kami ng pamilya sa Manila kanina. Bakit nga ba? Nung tinanong ko yung nanay ko kung bakit, sabi niya ay dahil daw magkakasama kami ngayon, kaya dapat lubusin ang weekend nang magkakasama.
Awww… Hahaha.
Part 1: Fort Santiago
Yung unang plano ay pumuntang Manila Zoo, tapos Mall of Asia. Pero dahil nga napaka-spontaneous naming pamilya, habang papuntang Roxas Boulevard, nang makita namin ang sign na “This way to Intramuros,” bigla kaming sumigaw ng, “TARA! Kanan tayo! Punta tayong Fort Santiago!” Nataranta yung nagmamaneho, at kumanan bigla. Buti na lang walang kotseng umaarangkada, kung hindi nalagot na kami ngayon.
Iba ang pakiramdam pagpasok namin ng Intramuros. Pakiramdam mo nasa unang panahon ka, pero may mga kotse at mga establisyimentong makabago. Tumingin ka sa kanan, historical pader ng Intramuros ang iyong makikita. Tumingin ka sa kaliwa, “historical” Starbucks naman. Namangha kami lalo nang makita namin yung mga kolehiyong naroroon. Ang Mapua at Lyceum, nandito pala sila! Ang galing talaga ng lugar na ito. Kakaibang halo ng luma at bago ang lugar na ito, noh?
Sa wakas, pagkalipas ng ilang minuto (at libong mga lingon dito’t doon) dumating kami sa Fort Santiago. Bumaba kami ng van, at pumasok sa loob.

Wow. Ang ganda!
Seryoso! Aakalain mo na isang lugar na mas matanda pa sa lola ng lola mo ay magmumukhang bulok at makaluma. Pero hindi! Ayus na ayos ang lugar. Kay ganda ng pagka-maintain.

Sa ganda ng lugar, para kaming naging turista sa sarili naming bansa. Napakaraming litrato ang nakuha at napakarami ring “ooh” at “aah” ang nasambit ng parehong bata’t matanda. Eh bakit ba? Maganda ang pagkakagawa.

Agad naming tinungo yung shrine ng Our Lady of Guadalupe. Namangha kami sa misteryo ng lugar, at lalo na sa misteryong nababalot sa lolang nagbabantay rito. Sa kaliwa’t kanan iba’t ibang kandila, bulaklak, libro at pampleta ang sumalubong sa amin. Sa loob naman ay medyo madilim kumpara sa munting bulwagan sa labas. Mala-simbahan ang lugar; may mga upuang pang-simbahan, at mayroon ding altar. Sa harap ay dalawang Imahen ng Birhen, ang isa ay may engrandeng lalagyan, at yung isa nama’y nasa may tabi lang. Pero sabi nga ni lola, pareho lang na mahalaga ang dalawa.
Mabait si lola, pinayagan pa nga kaming kumuha ng litrato sa loob. Una kinuhanan niya kaming pamilya. Bababa na sana kami ng altar pero bigla niya kaming pinigilan. Isa pa raw, sumasama raw yung isa pang imahen sa litrato. Tumalon ang puso ko at pumasok sa isip ko na may nakikita si lola na hindi namin nakikita. Kakaiba.

Nang paalis na kami, tinanong namin kung ayos lang magpalitrato sa tabi ni lola. Nakangiti siyang umayaw at binigyan kami ng mga petal ng rosas.
Kahit na kinilabutan kami sa lugar at kay lola, pakiramdam pa rin namin na kami’y nabasbasan. Parang ang gaan ng pakiramdam pagkalabas namin ng lugar. :)
Sunod naming tinungo ang Rizal Shrine sa loob ng Fort Santiago. Libre ang entrance eh, kaya lubusin na. :p
Sa unang silid ay sinalubong kami ng munting eksibit ng mga sulatin ni Rizal, at mga sulatin ukol sa kanya. May mga kopya ng orihinal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo (oo, parang yung xerox copy sa Ateneo High, pero ang mga ito, hindi xerox copy). Yung iba ngang mga librong nakakalat dito ay may foreword mula kay Ferdinand Blumentritt. Sa mga salamin na pumapalibot sa mga kagamitan sa eksibit ay may mga nakasulat na pananaw ni Rizal ukol sa kanyang mga sariling sulatin. Tapos sa gilid, yung mga flat na bakal na naging parang mga hiwa-hiwalay na pader ay may mga sulatin ni Rizal. Sa mga ito nakasulat ang kanyang mga pananaw ukol sa iba’t ibang isyu .
Sumunod ay ang silid kung nasaan ang mga kagamitan at damit ni Rizal, at tulad ng mga salamin na bumabalot sa mga kagamitan sa unang eksibit, may nakasulat din: mga pananaw ni Rizal sa kanyang kagamitan at sa paggamit ng mga ito. Dito nakadisplay ang kanyang mga lampara, espada, dumbbell, jacket, libro, at kung anu-ano pa. May buto yata sa gitna ng eksibit, pero hindi namin alam kung kay Rizal nga ba iyon.
Pagkalabas mo sa silid na iyon ay may nagsabi sa amin na sa kanan daw muna kami tumungo, bago magpatuloy sa kabilang silid. Dito namin nakita ang silid kung saan ikinulong si Rizal dati. Nakakakilabot na pangitain ‘pagkat ito’y isang napakalaking madilim na silid na may maliit na may higanteng salamin. Pagtingin mo sa salamin may makikita kang isang estatuwang tila nagsusulat na iniilawan ng maliit na lampara.
Mas kakaiba ang sumunod na silid. Sa sahig at sa pader ay may maraming sulatin. Tagalog ang nakasulat sa sahig, Latin yata ang nakasulat sa dinging. Hindi ko na nabasa dahil maraming taong nakatapak sa sahig, at hindi ko rin naman naiintindihan yung nakasulat sa dingding. :p
Ang bigat ng puso ko pagkalabas ng Rizal Shrine. Bakit ngayon ko lang napuntahan ang lugar na ito? Kung sana’y dati pa ay mas ginanahan sana akong magbasa ng Noli at El Fili.
Part 2: Ang Pambansang Museo

Hmmmm… Tinatamad akong magkuwento dito. Kasi feeling ko hahaba ito nang seryoso, kaya susubukan kong iklian ng sobra.
Sa National Museum ang sunod naming destinasyon. Dito ay na-expose kami sa kulturang Pinoy. Mga kagamitang makaluma ang aming nakita, at kami’y namangha.
Magaling pala talaga ang mga tao ng unang panahon. Hindi ko naimagine na mabubuhay ang mga tao dati nang walang mga hitech na kagamitan. Pero ang museong ito ang patunay na magaling (at bobo) ang tao.
Ang isang highlight sa aming bisita ay nang pumasok kami sa eksibit ng mga paraan ng paglilibing noong unang panahon. Mala-kuweba ang lugar. Madilim, nakakatakot. Napapalibutan ng mga banga ng patay ang eksibit. Magkakahiwalay kaming tumitingin ng mga display, nang biglang may tumunog na nakakatakot na tugtugin.
Isipin mo yung music ng horror films, kasama ang sound effect ng paniking sumisigaw. Isama mo pa ang mga banga ng patay.
Nagsitakbuhan kami palabas ng kuwartong iyon nang nagsisigawan.
Tawanan naman bigla pagkalabas.
I feel so cultural! Hahahaha.
Part 3: Mall of Asia

Ang huling destinasyon ay kasama talaga sa plano: ang Mall of Asia. Pero ang gagawin dito ay hindi talaga namin naplano, so nagshopping na lang kami. :p
Malaki ang lugar. Hindi siya katulad ng inimagine ko, kaya mukha akong tanga habang pinagmamasdan ang lugar. Actually kaming buong pamilya ay masiyadong namangha, tuloy, nagmukha kaming mga turista (complete with the camera!).
Isipin niyo na lang na Megamall na pinagtagpi-tagpi, tapos pinagdikit-dikit ulit. Pero sa pagdidikit-dikit, dinagdagan nila ng maraming space ang gitna ng lugar, at nilagay nila yung skating rink sa first floor. Yung mga maliit na stall nga sa gitna parang mga ligaw na kotse sa gitna ng bukid dahil masiyadong malaki ang lugar! Yung mga tao naman parang langgam na naligaw sa landas ng pheromones kasi pakalat-kalat ang lahat!
Yung labas naman sa gitna ng mga building, isipin niyo isang kalsada Eastwood na mas malaki. Iba’t ibang kainan ang nakakalat sa lugar. Mayroon ding mga ligaw na tolda at booth ng mga eksibit. May mga tumutugtog at kumakanta rin sa may gitna.
Hindi na kami nanuod sa Imax theater. Pagod na kaming lahat kasi medyo malayo ang aming nalakbay. Hindi na rin kami kumain, sa bahay na lang. Inaantok na mga tao eh. Hahaha.
Part 4: Konklusyon
I love my family. <3
Hahaha. Wala lang.
Hmmmm… Sorry kung mahaba. And if I would give this a “creativity rating,” medyo 3/10. Wahahaha. Nagsulat lang ako nang nagsulat eh.
Ayun. Sorry for lacking a stronger conclusion/ending to this entry. Hehehe. Medyo mahaba-haba ang nasulat ko, sabay ganito. :p



June 25th, 2006 at 6:24 pm
Mukhang tama naman yung konklusyon mo eh. Masama kasama ang pamilya sa mga biglaang lakad. At hanep sa mga pose ah, turistang turista ang dating. Hehehe ;)
June 25th, 2006 at 7:22 pm
waw field trip:O
June 25th, 2006 at 10:54 pm
Kid: Masama o masaya? Hahaha. Wala lang. Para talaga kaming mga turista, noh?