Magsasampung na taon na mula ng pumasok ka sa seminaryo sa may Novaliches. Sabi mo sa akin, susundan mo si Kristo katulad ng ginawa ni San Ignacio. Siyempre, hindi maiwasang malungkot ako. Siyempre, nawala ka kasi sa buhay ko.
Maligaya na tayo noon. Maligaya na ako sa mga sandaling hawak mo ang aking kamay habang tayo’y naglalakad sa kalsadang iniilawan ng buwan at ng buwan lamang. Maligaya na ako sa mga mumunting halik na hindi ko man hiningi ngunit patuloy mong binigay, hiningi, at ninakaw sa akin. Maligaya na ako sa mga panahong nakaupo tayo sa may damuhan habang pinagmamasdan ang pagsikat at paglubog ng araw. Maligaya na ako sa mga pagkakataong nakatingin ka lang sa aking mga mata habang sinasabi mo sa akin, “wala nang iba. Ikaw na, ikaw na.”
Ngunit biglang dumating ang araw na naisip mo, mas maligaya Siya kapag sa Kanya mo ibinigay ang iyong buong buhay.
Alala ko pa noon, nung araw na kinuha Ka niya sa akin. Sinabi mo aalis ka. Tanong ko naman kung saan. Sabi mo papunta sa Kanya. Sabi ko hindi ko maintindihan. Tiningnan mo na lang ang aking mga mata. Wala na, wala na yung mga matang nagsabing “ikaw na, ikaw na.” Hinalikan mo ang aking noo, hinawakan ang aking mga pisngi at pumikit, wari’y umiimik ng mga dasal na hindi ko naman naririnig.
Yinakap mo ako at sinabing, “hindi naman ako mawawala. Malalayo lang naman ako ng kaunti mula sa iyo.”
Magsasampung taon na mula ng nangyari iyon. Walang gabing pinalagpas na hindi kita inisip, hinanap, ipinagdasal, iniyakan.
Nagulat ako ngayong paskong gabi nang may narinig akong kumakatok sa aming pinto. Nakahapag na ang hamon at ang pinya, buo na ang pamilya, kaya’t sino ang maaaring darating pa?
Ikaw pala, sa iyong sutana.
Ngumiti ka at iniabot ang iyong kamay na waring magbibigay mano sa akin. Kinuha ko ito, hinalikan ang iyong palad at iniabot sa aking pisngi. Tumawa ka, at ako’y yinakap. Wala na akong nagawa kundi tumawa’t umiyak.
Pinapasok sana kita, ngunit sabi mo’y lilisan ka rin naman agad, kaya huwag na akong mag-abala pa. Tinanong ko ang sarili kung bakit ka narito, kung nilisan mo na nga ba ang seminaryo, kung babalikan mo na nga ba ako.
Ngumiti ka lang at tiningnan ang aking mga mata.
Biglang naisip ko, oo nga pala, ikaw pala, sa iyong sutana.
Ngunit bakit ka nga ba nandito?
“Para ibigay ito sa’yo.”
Inilagay mo sa aking palad ang isang maliit na itim na kahon na may kaunting kabigatan. Hinawakan ko ito ng aking parehong kamay at inilapit sa aking dibdib.
Anong masamang biro ito?
“Hindi ‘yan biro. Buksan mo.”
Binuksan ko ang kahon at nakakita ako ng mumunting butil na pilak na nakasabit sa isang maliit na krus na pilak din. Makintab. Mukhang mamahalin. Mukhang minahal.
Hindi ko maintindihan.
“Elena, magiging pari na ako sa susunod na taon. Gusto ko lang sanang iwan ito sa iyo, bago ako tuluyang maging Kanya.”
Bakit, rosaryo?
“Gusto kong matuto ka. Matuto ka katulad ni Maria.”
Si Maria?
“Ang buhay mo’y hindi iyo, kung hindi kay Hesus. Ang buhay mo ay sa Kanya.”
Masakit.
“Masakit talaga kung hindi mo tuluyang ibigay sa Kanya ang lahat.”
Napakasakit. Hindi ko maintindihan.
“Magdasal ka sa Kanya, Elena.”
Hinalikan mo ang aking noo, hinawakan ang aking mga pisngi at pumikit, wari’y umiimik ng mga dasal na hindi ko naman naririnig. Niyakap mo ako at naglakad ka na papalayo. Iniwan mo ako sa may pinto habang ramdam na ramdam ko ang aking pusong pinabigat ng lamig ng iyong pamamaalam.
Maria, ganito rin ba ang naramdaman mo nang sabihin mong oo?
Sundin ang loob Mo, dito sa lupa para nang sa langit.
Disyembre 31, 2007

