Highschool memories. Hahaha. Cheesiness. Ang galing nga eh. I was reminded of this poem in one of the short films in Mogwai Cafe in Cubao. It was a somewhat culmination activity for Sir Nap Jamir’s Film 113 and 131 classes, 2nd sem AY 07-08. Goosebumps all over. Siyempre, high school flashback fastforward future adult world yung setting nung film na fineature ito. Eh high school namin ito tinake-up (or hindi ata namin kinuha ito, nandun lang sa koleksyon ng mga tula). Hahaha.
Enjoy the love. ^_^
—
Mangyari Lamang
Cerilo Rico Abelardo
Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nagmamahal
Nang makita ng lahat
Ang kagandahan ng mukha ng pag-ibig
Ipamalas ang tamis
Ng malalim na pagkakaunawaan
Sa mga Malabo ang paningin
Mangyari lamang ay tumayo rin
Ang mga nagmahal at nasawi
Nang makita ng lahat
Ang mga sugat ng isang bayani
Ipadama ang pait ng kabiguan
Habang ipinagbubunyi
Ang walang tulad na kagitingan
Ng isang nagtaya
Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nangangambang magmahal
Nang makita ng lahat
Ang kilos ng isang bata
Ipamalas ang katapatan ng damdamin
Na pilit ikinukubli
Ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata
Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nagmahal, minahal, at iniwan
Ngunit handa pa ring magmahal
Nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
Ipamalas ang mga katotohanang nasaksihan
Nang maging makahulugan
Ang mga paghagulgol sa dilim
At sa mga nananatiling nakaupo
Mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis
Papalabas sa nakangangang pinto
Umuwi na kayo
At sumbatan ang mga magulang
Na nagpalaki ng halimaw
At sa lahat ng naiwang nakatayo
Mangyari lamang ay hagkan ang isa’t-isa
At yakapin ang mga sugatan
Mabuhay kayong lahat
Na nagsisikap makabalik sa ating pinagmulan
Manatiling masaya
At higit sa lahat, mapatuloy
Sa pagmamahal